BOMBO DAGUPAN – Magiging epektibo na ang 33-pesos na pagtaas ng sahod sa buong Rehiyon Uno sa darating na Huwebes Nobyembre 7.

Dahil dito, siniguro ng Department of Labor and Employment Central Pangasinan na naipaabot na ng maayos ang abiso sa ilang mga employer at empleyado sa kanilang nasasakupan tungkol dito.

Ayon kay Rhodora Dingle ang Officer in Charge ng DOLE Central Pangasinan na nagsagawa na sila ng information dissemination sa pamamagitan ng social media upang masiguro ang malawakang pagkakaalam ng publiko kay naniniwala ito na karamihan ay may kaalaman na sa pagtaas ng sahod kaya maipapatupad na nila ito ng maayos sa araw na iyon.

--Ads--

Aniya na, Ito na ang ika-23 pagtaas ng sahod sa Rehiyon Uno, na ang huli ay noong Nobyembre din ng nakaraang taon.

Dagdag pa nito na taun-taon naman ang pagtaas ng sahod, kaya inaasahan ang isa pang pagtaas sa susunod na taon, depende sa mga kondisyon.

Kaugnay nito na base sa minimum wage order ng DOLE, ang mga sumusunod ay makikinabang sa pagtaas ng sahod gaya ng Non-agriculture sector na may 10 empleyado pataas ay magiging ₱468 ang minimum na sahod mula sa dating ₱435, sa Non-agriculture sector naman na mas mababa sa 10 empleyado ay magiging ₱435 ang minimum na sahod mula sa dating ₱402 habang ang mga Kasambahay ay magkakaroon ng ₱500 dagdag sa sahod, mula ₱5,500 tungo sa ₱6,000.

Samantala, para aniya sa mga may katanungan o hinaing patungkol sa pagtaas ng sahod, maaari silang makipag-ugnayan sa opisina ng DOLE Central Pangasinan upang mabigyan ng agarang tugon.