DAGUPAN CITY- Umaasa ang grupong Katipunan ng Kilusan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas na magdudulot ng magandang epekto sa sektor ng pangingisda ang pagpapatupad ng 3 buwan na Close Fishing Perdiod na magsisimula ngayon buwan ng nobyembre.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Robert Ballon, ang chairperson ng naturang grupo, mag uumpisa ito sa Zamboanga Peninsula at Northeast Palawan, kabilang ang Visayan Sea, para sa mga isdang mackerel. Habang sa bahagi naman ng Mindanao ay ang tamban o ang tinatawag na sardinas.
Aniya, madali at madalas nahuhuli ang mga nasabing isa, kabilang na rin ang galunggong, at mabenta rin ito sa merkado dahil sa murang halaga kaya mabilis rin maubos ang mga ito sa karagatan.
Maliban pa riyan, marami ang mga mangingisda na ito ang kanilang hinuhuli at sinasabayan pa ng commercial fishing kaya kinakailangan ang pagpapatupad ng close fishing.
Bagaman taunang programa na ito ng gobyerno at hindi naman nila ito tinututulan dahil sa magandang layunin kaya hinihiling na lamang nila ang sapat na suporta mula sa kinauukulan.
Aniya, hindi rin maikakailang maaaring may mawalan ng hanapbuhay ang ilang mangingisda sa loob ng tatlong buwan at ang iba sa kanila ay naghahanap na lamang ng ibang pagkakaitaan.
Kanilang hiling na lamang sa gobyerno na palakasin ang kanilang komunidad upang sa tuwing ipinapatupad ang close fishing ay mayroon silang alternatibong hanapbuhay na susuporta sa kanila.
Sa kabilang dako, hiling din nila sa gobyerno ang mapalawak pa ang social protection ng mga mangingisda, lalo na sa tuwing may banta ang bagyo.
Aniya, marami pa rin ang napipilitan ang mangisda kahit pa man may inilabas nang gale warning dahil wala aniya silang maipapakain sa pamilya nila sa oras na manalasa ang bagyo.
Kabilang pa riyan ang karagdagang pinsala sa kanilang bangka at pangisdaan pagkatapos ng pananalasa.
Kanilang hinihiling na magkaroon agad ng aksyon at pamamahagi ng relief good bago pa tumama ang bagyo.