DAGUPAN CITY – Dapat payagang maibigay ng senado sa International Criminal Court (ICC) ang record ng hearing ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Yan ang binigyang diin ni Rep. France Castro, Act Teachers Partylist upang malaman kung sino ang ‘most responsible sa war on drugs’ ng nagdaang administrasyon.
Aniya na sa pag-amin ni Duterte hindi lamang siya ang may responsibilidad kaugnay dito subalit maging ang mga sumunod sa kaniyang utos ay dapat managot.
Dito ay titignang mabuti kung sino ang ‘most responsible’ lalo na ang may kinalaman sa policy making.
Kaugnay nito giit pa ni Castro na dapat ang senado ay makipag-cooperate sa ICC sa paggamit ng nasabing pagdinig bilang ebidensiya nang sa gayon ay magamit sa pag-iimbestiga at maprosecute si Duterte.
Dapat din ay sabihin ng dating pangulo kung sino-sino ang mga may kinalaman dito maging buhay pa man ang mga ito o hindi na.
Dahil tila nagagawa pang makipagbiruan ni Duterte sa nasabing pagdinig.
Pinuri naman nito si Senator Risa Hontiveros dahil aniya ay siya lamang ang may seryosong katanungan at halos ang ibang mga senador ay ilag pang magtanong.
Samantala, magkakaroon ulit ng committee hearing ang quad comm ukol dito kaya’t inaasahan niya na sana ay makadalo ang dating pangulo.
Lalo na rin kagustuhan na lumabas na ang katotohanan at managot ang dapat managot sa mga pagpatay sa ilalim ng administrasyong Duterte.