Dagupan City – Inaasahang marami na ang mga indibidwal o pamilya ang magsisimulang bumisita ngayong araw o sa susunod na araw hanggang Nobyembre 1 upang dalawin ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa sementeryo para linisan at alayan ng kandila at bulaklak.

Dahil dito, simula ngayong araw ay nagpakalat na ang Bureau of Fire Protection (BFP) Pangasinan ng mga tauhan sa lahat ng mga sementeryo sa lalawigan.

Ayon kay Fire Senior Superintendent Jerlin Jerden Sales, Provincial Fire Marshall ng BFP Pangasinan Provincial Office na magdedeploy sila ng mga tauhan sa 44 na bayan at 4 na lungsod sa lalawigan para sa seguridad at kaligtasan ng mga indibidwal na dadako sa lahat ng sementeryo sa Pangasinan.

--Ads--

Aniya, bukod sa mga tauhan nila, magkakaroon din ng Firetruck Deployment, Ambulance Deployment, at BFP Motorcycle Unit Deployment upang magamit sa pagresponde sa mga emergency situation na maaring mangyari.

Magkakaroon din umano ng roving inspection ang ilang BFP Personnel sa loob ng sementeryo para maipatupad ang mga safety procedures dito, lalo na sa mga masisikip na daanan, at maiwasan ang pagkakaroon ng hindi inaasahang sunog.

Pagtitiyak naman nito mayroong nakaantabay na 10 pounds fire extinguisher na dala ang kanilang mga BFP Personnel sakaling may mangyaring sunog sa mga masisikip na lugar dahil aniya, may mga pagkakataon na may nangyayaring ganitong sitwasyon dahil sa pagsusunog ng basura at tuyong dahon na nilinisan ng mga bumisita.

Kaugnay nito na aayusin na nila ang mga daanan at gagawing one-way entrance at one-way exit para mapanatili ang magandang usad ng mga papasok at lalabas na mga tao.

Samantala, 24/7 ang kanilang pagtutok dito na tatagal hanggang sa Nobyembre 2 kung saan may mga designated area sila na pagpapatayuan ng mga tent na makakasama nila ang ilang mga barangay officials, PNP Personnel, mga Local Disaster Risk Reduction and Management Officers, at iba pang volunteers group para sa pagpapanatili ng matiwasay na paggunita sa Undas. (Oliver Dacumos)