Dagupan City – Patuloy pa ring pinaghahanap ang mga kawatan sa bayan ng Mangaldan matapos manloob sa isang supermarket sa bayan sa kasagsagan ng bayong Kristine.
Ayon kay P.Capt. Hernando Martinez, Duty Officer ng PNP Mangaldan, biyernes namataan ang tila bakas ng mga paa galing sa itaas na bahagi ng supermarket.
At nang suriin ito, dito na napag-alaman na may butas ang bubong nito, kung kaya’t agad na nagsagawa ng inventory ng mga paninda ang mga empleyado ng naturang supermarket.
Lumalabas naman na nasikmat ng mga kawatan ang 19 kahon ng sigarilyo na nagkakahalaga ng higit P1Milyon.
Nakikitaan naman na nasa tatlo hangang limang katao ang suspek, na tinitingnan na dumaan sa gilid na bahagi upang makaakyat sa bubong at doon isinagawa ang kanilang pananalakay.
Ayon kay Martinez may person’s of interest na ang naturang insidente at dagdag pa niya na hindi rin naman inaalis ng mga awtoridad ang angulo kung inside job nga ba ang nangyaring pagnanakaw.
Hindi na rin napansin ng mga security guard ng mangyari ang insidente dahil na rin sa lakas na ulan at hangin na dulot ni bagyong Kristine.
Panawagan naman ng awtoridad na laging maging alerto at mapagmatyag dahil aniya walang pinipiling oras ang mga masasamang loob mapabagyo man o hindi.