Dagupan City – Ibinahagi ng National Irrigation Administration Region 1 ang kanilang mga ginagawa tuwing may mga sama ng panahon na nararanasan sa bansa lalo na sa rehiyon uno.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engr. Danilo V. Gomez, Regional Manager ng NIA Region 1, na mayroon silang dedikadong task force para sa mga kalamidad.

Tinatawag nila itong task force calamity na binubuo ng apat na grupo na nagtatrabaho para sa ibat-ibang shifting schedule upang subaybayan ang kalagayan ng kanilang mga dams at canals.

--Ads--

Responsibilidad ng mga ito ang pag-uulat ng mga sitwasyon bago dumating ang bagyo, habang may bagyo at pagkatapos na pinapadala ang ulat sa Provincial Local Disaster Risk Reduction and Management Office, sa National Office, at sa Central Office.

Kaugnay nito na sa panahon ng mga bagyo, ipinapatupad ng NIA Region 1 ang isang partikular na protocol.
Isinasara ang mga gate at intake ng mga dam ng irigasyon, habang binubuksan naman ang mga slow-ways para maka-agos ang tubig-ulan nang diretso sa mga ilog.

Pinipigilan nito ang pagpasok ng tubig sa mga kanal na nagsasangi ng pagbaha sa mga lokal na lugar sa rehiyon.

Nilinaw naman ni Engr. Gomez na ang malawakang pagbaha sa ilang komunidad na kadalasang iniuugnay sa mga sistema ng irigasyon ay isang maling akala.

Aniya na ang tubig na bumabaha sa mga komunidad ay nagmumula sa tubig-ulan.

Matatandaan na nagpakawala ng tubig ang tatlong dam sa bansa dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan gaya ng Binga Dam, San Roque Dam at Ambuklao Dam.

Ipinaliwanag pa niya na ang mga kanal ng NIA ay tumutulong sa pagkontrol ng labis na tubig-ulan dahil nagsisilbi itong mga daanan ng tubig, at dinidirekta ang labis na tubig-ulan na papuntang mga ilog.

Samantala, Hinihikayat ng tanggapan ang publiko na makipag-ugnayan sa kanilang apat na provincial offices kung mayroon silang anumang alalahanin tungkol sa sistema ng irigasyon at pagbaha dahil nakatuon sila sa pagtugon sa mga alalahanin na ito at pagbibigay ng mga solusyon. (Oliver Dacumos)