Nananatiling nasa maayos na kalagayan ang mga barangay sa bayan ng Mangaldan matapos ang hagupit na dala ng severe tropical storm na si bagyong kristine.

Ayon kay Rodolfo Corla, naging mabilis ang kanilang aksyon para sa operasyon sa mga puno na natumba sa gitna ng mga kakalsadahan.

Dagdag pa niya, patuloy ang kanilang monitoring sa bayan. Kasama ng kanilang mga tauhan, aniya oras-oras ang kanilang pagbabantay sa Angalacan River, na kasalukuyang nasa alert level. Paliwanag ni Corla, inaasahang bababa pa ang level ng tubig sa angalacan river sa loob ng ilang oras, dahil sa unti-unti ng humihina ang mga pag-ulan.

--Ads--

Sa kabilang banda, tuwing nakakaranas ng mataas na high tide sa mga baybayin ng karatig na lugar gaya ng San Fabian ay umaabot naman ito sa kanilang Bayan.

Gayunpaman, walang pre-emptive evacuation na isinagawa dahil hindi kinonsidera na apektado ng pagbaha ang mga barangay. Sa ngayon, ang pinakamalalim na bahagi ng tubig ay nasa lagpas ng bukong-bukong, ngunit hindi ito nagdulot ng malaking problema sa mga residente kung saan wala namang naitatalang pinsala at lahat ng uri ng sasakyan ay maaaring dumaan.

Paglilinaw naman ni Corla na hindi pa natatapos ang kanilang trabaho dahil may isang low pressure area na nagiging tropical depression, na posibleng makaapekto sa sitwasyon sa bayan ng Mangaldan.

Paalala naman ng awtoridad na maging alerto at mapagmatyag ang lahat upang maging handa sa anumang sakuna. Dagdag pa niya na Layunin ng lokal na pamahalaan na gawing disaster resilient ang bayan ng Mangaldan.