DAGUPAN CITY- Patuloy nakaantabay ang San Fabian Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sa maaari pang dalhin epekto ng Bagyong Kristine sa kanilang bayan.

Ayon kay Engr. Lope Juguilon, MDRRMO Head sa naturang bayan, nagsagawa na sila ng pre-emptive evacuation sa mga coastal barangay noong gabi ng Oktubre 23 dahil sa nagsabay na storm surge at high tide.

Aniya, umabot sa 22 pamilya ang lumikas mula sa kanilang tahanan.

--Ads--

Gayunpaman, sa kabila ng mga banta ay wala pa silang naitatalang lumubog sa baha sa kanilang nasasakupan.

Bagamat ligtas ang mga residente, nakitaan naman nila ng pinsala ang ilang mga bahay na gawa sa light materials kung saan nawalan ng bubong ang ilan sa mga ito.

Samantala, nasa normal level naman ang kalagayan ng Cayanga River kahapon nang kanilang bisitahin ito. Subalit, patuloy silang nakaantabay at magiging alerto kung ito man ay tumataas na.

Dagdag pa ni Engr. Juguilon, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga naapektuhan upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan at kaligtasan.