BOMBO DAGUPAN – Anim na volcanic earthquake ang namonitor ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Kanlaon Volcano.

Ayon sa PHIVOLCS, ang bulkan na matatagpuan sa Isla ng Negros ay nagbuga ng “katamtamang” 200-metrong taas ng mga usok na dumaloy patimog-silangan. Ang katawan ng bulkan ay nanatiling namamaga.

Una rito noong Linggo, Oktubre 20, naglabas ang nasabing bulkan ng 6,477 toneladang sulfur dioxide.

--Ads--

Ang Alert Level 2 ay kasalukuyang ipinaiiral sa Kanlaon Volcano, ngunit nagbigay babala ang PHIVOLCS na maaaring magdulot ito ng pagtaas ng volcanic activity at pagtaas din ng alert level.

Ipinagbabawal ang pagpasok sa permanenteng danger zone ng bulkan na may 4-kilometer radius, pati na rin ang paglipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit dito.

Posible rin ang biglaang steam-driven o phreatic eruptions.

Samantala, dalawang insidente ng rockfall ang naitala sa Mayon Volcano sa lalawigan ng Albay.

Naglabas din ito ng kabuuang 1,064 toneladang sulfur dioxide noong Lunes, Oktubre 21.

Ang Mayon volcano, na kasalukuyang nasa Alert Level 1 dahil sa mababang antas ng pag-aalburuto, ay nagpakita rin ng “katamtamang” pagbuga ng mga usok na dumaloy patimog-kanluran.