Dagupan City – Ngayong nalalapit na paggunita sa Undas 2024, inaasahan na naman ang dagsaan ng mga indibidwal ang uuwi sa kani-kanilang mga probinsya at iiwanan ang kanilang mga tahanan.
Kung kaya’t pinaalalahanan ni FSSUPT. Jerlin Jerden Sales, Provincial Fire Marshall ng BFP Pangasinan Provincial Office na dapat umanong manatiling maging alerto ang lahat at huwag pabayaan ang kanilang mga tahanan o residential houses kung sakaling iiwanan.
Aniya, dapat maging fire safety cautious ang publiko gaya ng pagtanggal ng mga appliances na nakasaksak na hindi ginagamit bago umalis ng tahanan upang maiwasan ang sunog.
Likas kasi aniya sa mga Filipino ang pagbisita sa sementeryo kahit gaano ito kalayo. Aniya, dito rin kasi naipaparamdam ng mga ito at naipapakita ang kanilang pagmamahal at pagrespeto sa mga yumaong mahal sa buhay.