BOMBO DAGUPAN – Nagsagawa ang Israel ng marami pang mga air strike sa Beirut at katimugang Lebanon, kabilang ang mga sangay ng isang bangko na sinasabing sumusuporta sa Hezbollah.
Narinig ang mga pagsabog sa distrito ng Dahieh sa katimugang Beirut, isang lugar na kontrolado ng Hezbollah, pati na rin sa Lambak ng Bekaa at katimugang Lebanon.
Noong nakaraang araw, nagbigay babala ang militar ng Israel sa mga tao na nakatira sa 25 lugar sa Lebanon—kasama na ang 14 sa kabisera ng Beirut—na plano nitong magsagawa ng mga pag-atake buong gabi.
Hindi pa tiyak kung may mga nasaktan o namatay.
Sinabi rin ng Israel Defense Forces (IDF) na tututok sila sa mga bangko at iba pang mga imprastruktura ng pinansyal na sumusuporta sa Hezbollah.
Una rito ay nagbigay babala si Rear Adm Daniel Hagari, tagapagsalita ng IDF, na “ang sinuman na malapit sa mga lugar na ginagamit para pondohan ang mga aktibidad ng terorismo ng Hezbollah ay kailangang lumayo mula sa mga lokasyong ito agad.”
Iniulat din nila ang isang pag atake sa sangay ng bangko malapit sa Rafic Hariri International Airport sa Beirut.
Makikita sa mga video ang makapal na usok matapos ang isang pagsabog malapit sa paliparan.