Dagupan City – Pinili munang tumigil sa pagbebenta ng mga kamatis at luya ang ilang mga tindera sa syudad ng Dagupan dahil sa mataas na presyo nito.

Ayon sa tindero ng kamatis na si Alex Quillope, malaki umano ang itinataas ng presyo ng kamatis, kung saan nasa tinatayang P100 ang pinakamababa, kung kaya’t nasa 1/4 lamang ang binibili ng mga mamimili.

Isa naman umano sa nakikitang dahilan ng mga ito ay ang kaunti pang suplay nito.

--Ads--

Sa katunayan aniya, ang dating bilang ng kanilang binibiling bultuha mula pa sa supplier nila sa Nueva Vizcaya, ngayon ay nasa 10 kahon na lamang dahil sa maliit na rin na puhunan at kita.

Ayon naman sa tindera ng luya na si Maris Febrio, ang puhunan niyang P100 hanggang P120 naman ay maibebenta na sa merkado ng P140 hanggang P160.

Aniya, bagama’t malaki ang kita nila kung tumataas ang mga bilihin, hindi pa rin umano ito maganda dahil nahihirapan silang ibenta ito sa mga mamimili.

Sa kabila ng nagtaasang mga nabanggit, inaasahan naman ang susunod na pagtaas ng presyo ng kalamansi. (Nerissa Ventura)