Dagupan City – Nagbahagi ang National Commission of Indigenous People Pangasinan Provincial Office ng mga aktibidad sa lalawigan ng Pangasinan kaugnay sa pagdiriwang ng pambansang buwan ng mga katutubo ngayong Oktubre.

Ang tema ng National Indigenous People’s Month ngayong taon ay “Mga Katutubo at Katutubong Dunong: Pahalagahan, Pangalagaan at Parangalan”.

Ayon kay Dr. Enrique Delos Santos Jr. ang Provincial Officer sa nasabing opisina, ngayong taon ang ika-27 taong pagdiriwang ng National Indigenous People’s Month sa buong bansa, matapos na maipasa noong 1997 ang IPRA o Indigenous People’s Rights Act.

--Ads--

Aniya, nagpapahiwatig ang nasabing batas na kilalanin ang mga katutubo sa buong bansa lalo na sa kanilang mga karapatan sa kani-kanilang ancestral domain kaya nakikiisa sila sa nasabing gawain.

Dagdag pa ang isinagawa noong buwan ng Setyembre, kung saan nasa 6 na batch ng mga Indigenous People o IP sa kapitolyo at Banaan museum ang sumailalim sa Familiarization Tour upang ipakita at masilayan ang mga exhibit sa Museum na tampok ang kasaysayan ng Pangasinan maging ang IP culture at kagamitan ng mga katutubo sa lugar.

IP Summit naman noong October 11 na pinangunahan ng NCIP- Region 1 na ginanap sa Ilocos Sur at dinaluhan ng nasa higit 100 mga IP dito sa Pangasinan at iba pang probinsya sa rehiyon.

Sa kabilang banda, bukod sa mga aktibidad na ginaganap sa bawa’t lugar na may katutubo, may mga programa naman aniya silang iniaalok sa mga IP’s sa kabila ng mababang budget ng kanilang tanggapan, gaya na lamang ng; Scholarship Program, Legal Assistance, Livelihood, Small Infrastructure projects gaya ng portable water system, at mga kolaborasyon sa ibang ahensya para matulungan sila gaya ng sa Department of Health at iba pa.

Binigyang diin naman nito ang mga dapat matutunan ng mga indibidwal sa mga katutubo gaya ng kanilang pamumuhay ng simple, pangangalaga sa kanilang likas na yaman, pagpapapalago ng kanilang mga lupain at pagpapayaman ng kanilang kultura at tradisyon. (Oliver Dacumos)