DAGUPAN CITY- Pinaghahandaan na ng Dagupan PNP ang pagdagsa ng mga tao sa darating na Undas para matiyak ang kaligtasan ng mga bibisita sa mga sementeryo.
Ayon kay PLTCOL Brendon B. Palisoc, Chief of Police ng Dagupan City PS, bilang bahagi ng kanilang preparasyon, nagsagawa ang kanilang kapulisan ng koordinasyon sa lokal na pamahalaan, mga barangay at iba pang ahensya upang maitaguyod ang mga kinakailangang hakbang para sa kaligtasan ng mga dadalong pamilya sa sementeryo.
Dagdag pa niya na tututukan nila ang mga posibleng panganib tulad ng mga aksidente at krimen na maaaring mangyari sa mga mataong lugar.
Saad pa ni Palisoc, sa kanilang karagdagang hakbang, maglalagay ang mga kapulisan ng mga checkpoint at patrols sa paligid ng mga sementeryo upang masigurong ligtas ang mga tao. Nakipag ugnayan din ang PNP sa POSO para sa re-routing upang maiwasan ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa lungsod.
Samantala, noong nakaraang taon, Wala namang naitatalang insidente sa mga sementeryo sa lungsod ayon yan sa Hepe ng Dagupan PNP kaya’t nais ng awtoridad na mapanatili ang kaligtasan at magandang daloy sa nalalapit na Undas para sa mga pamilyang bibisita sa kanilang mga mahal sa buhay.
Paalala naman ng awtoridad sa mga tao na magkaroon lamang ng disiplina at mga pag-iingat habang nasa sementeryo.
Dagdag pa niya na sundin ang mga panukala sa sementeryo kabilang na ang bawal ipasok ang alak, at mga matatalim na bagay.
Panawagan naman ni Palisoc na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad upang maging maayos ang lagay sa sementeryo sa daratting na undas.