DAGUPAN CITY – Nasa mahigit kumulang 50 mga puntod ang naapektuhan sa pagguho ng mga nitso sa isang independent cemetery sa lungsod ng Dagupan matapos ang naranasang sunod-sunod na pag-ulan noong nakaraang buwan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jomar Caguioa isang sepulturero at taga-ayos ng mga naturang puntod sa sementeryo na sinisikap nilang ayusin ang mga nasirang mga nitso bago pa ang araw ng undas.
Ngunit hindi rin nito maipapangako na matatapos agad dahil prayoridad nilang ayusin ang mga bagong burol sa sementeryo pero nilinaw naman nito na kapag tapos na ang mga gawain nila ay binabalikan nila ang mga gumuhong puntod para sa pagsasaayos nito.
Aniya, kung hindi naman nila maayos sa araw ng undas ang mga puntod ng mga naapektuhan ay maglalagay sila ng separated na lugar para doon muna pansamantala magtitirik ng kandila ang mga pamilya ng apektadong puntod.
Samantala, tinitiyak naman ng grupo ni Caguioa na magiging maayos ang lagay ng sementeryo sa darating na undas. Kaya’t kanilang inayos ang dadaanan ng mga pamilyang dadalaw sa kanilang yumaong mahal sa buhay.
Sa kabilang banda ang sementeryo naman ng Roman Catholic Cemetery, ayon kay Antonio Pacheco – ang in-charge sa construction sa sementeryo, aniya ay laging nakahanda ang kanilang grupo lalo na sa darating na undas, kung saan tiniyak nila ang kalinisan sa sementeryo para sa mga dadalong pamilya ng mga pumanaw.