Inumpisahan na ng Rural Health Unit sa bayan ng Bayambang ang kampanyang Bakuna Eskwela o School-Based Immunization (SBI) na programang pinagtulungan ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH).

Ang kampanyang Bakuna Eskwela ay isasagawa mula buwan ng Oktubre hanggang Nobyembre ngayong taon.

Layunin nito na ibalik ang programang SBI upang proktektahan ang mga estudyante mula sa mga sakit na nakakamatay o nagdadala ng panganib sa mga kabataan.

--Ads--

Kanilang naging target ang mga nasa unang baitang hanggang ika-pitong baitang na mga estudyante para sa booster dose ng measles, rubella, tetanus, at diphtheria, at ang mga nasa ika-apat naman na baitang o mga kababaihang 9 hanggang 14 taong gulang para sa human papilloma virus (HPV) vaccine.

Nagpaalala naman ang RHU na ang mga walang signed consent ay hindi babakunahan kaya patuloy naman sila sa pag-abiso sa mga magulang o guardian ng mga bata na pirmahan ang kanilang mga consent form.