DAGUPAN CITY- Nilinaw ng Department of Education (DEPED) Region 1 ang mga basehan o order na kanilang sinusunod para sa pagdedeklara ng walang pasok sa tuwing may mga nararanasan na kalamidad o sakuna.
Ayon kay kay DEPED Region 1 Assistant Regional Director Rhoda R. Razon, na sa tuwing may mga signal ng bagyo, hangin, extreme weather condition o di kaya lindol ay meron nang awtomatikong class suspension sa mga paaralan.
Base umano ito sa DEPED Order number 37, na hindi lamang signal ng bagyo ang tinitingnan, ngunit nariyan din ang signal ng hangin, extreme heat na nararanasan sa panahon ng el nino at ganundin kung mayroong mga kalamidad gaya ng intensity ng lindol. Sa oras na maglabas ang mga kaukulang ahensya tulad ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOCS) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PAGASA) ay mayroon na ring suspension ang mga ito depende sa uri ng kalamidad.
Samantala, kung ang mga naturang ahensya naman ay walang ibinigay na typhoon signal sa mga lugar, may karapatan naman ang Local Chief Executive o ng Gobyerno sa kanilang lugar na magdesisyon para sa pagkakansela ng klase.
Ngunit may kakayahan namang magdesisyon ang kanilang mga magulang kung papasukin o hindi ang kanilang mga anak.
Kaugnay nito ay tiniyak naman ng DEPED na lagi silang nakahanda para masiguro na tuloy tuloy pa rin ang pagkatuto ng mga bata sa pamamgitan ng modular learning o mga self learning module.
Katulad lamang ito sa isinagawa noong nakaraang pandemya at naging malaking tulong para magtuloy-tuloy ang edukasyon sa bansa kahit nasa kaniya-kaniyang bahay ang mga kaguruan at mag-aaral.