DAGUPAN CITY- Patuloy pa rin umaasa ang mga transport sector sa pagbaba sa presyo ng produktong petrolyo subalit patuloy pa rin ang pagtaas nito dulot ng kaguluhan sa Middle East.
Ayon kay Liberty De Luna, National President ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakaniya, matagal na nilang iniinda ang pabago-bagong presyo ng petrolyo kaya naman kinakailangan nilang matutong magtipid.
Aniya, patuloy ang kanilang paghihintay sa pagdinig ng kanilang nakabinbin na fair increase at humihiling sa kahit karagdagang dalawang piso.
Gayunpaman, hindi man nila maitanggi na maaapektuhan ang mga mananakay sa hinihiling na fare increase subalit labis na silang nahihirapan sa patuloy na oil price hike.
Karagdagan pa sa kanilang iniisip ang mga pagtaas sa mga presyo ng bilihin sa darating na pasko.
Kaya kanilang hiling ang pagkakaroon ng subsidiya at maging madali na ang proseso ng pagkuha nito sa bangko dahil marami pa ang hindi nakakakuha nito.
Gayundin sa kanilang pagpapalit sa modernized na sasakyan dahil nagbabayad na rin naman sila.
Panawagan din ni De Luna sa mga kinauukulan na maamyendahan na ang kanilang ruta at pahabain pa ito.
Samantala, sinabi rin ni De Luna na tuloy-tuloy na ang pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Hindi aniya ito magdudulot ng phase out dahil makakapasada pa rin ang mga nakapagconsolidate hanggang hindi pa napapalitan ang mga pampasadang sasakyan.