Dagupan City – Umaangal ngayon ang mga residente sa Brgy. Poblacion Oeste sa isinasagawang konstruksyon sa ilang parte ng daanan sa nasabing barangay sa lungsod ng Dagupan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Poblacion Oeste Brgy. Captain Mark Anthony Gutierrez, ilang beses na rin umano itong nagtungo sa pamahalaan ng Dagupan upang ireklamo ang mabagal na konstruksyon.

Sa katunayan aniya, nakausap na rin nito si Dagupan City Mayor Belen Fernandez at ang City Engineering Office upang tugunan ang hinaing ng kaniyang nasasakupan.

--Ads--

Nang tanungin kasi aniya ang foreman na in-charge sa lugar, sinabi nito na 60% ang tapos ang kalsada ngunit malayo pa rin ito sa inaasahan.

Nakatakda kasi sanang matapos ang konstruksyon sa nobyembre ngunit sa nakikita ng mga ito ay tila malabo pa rin itong makamit.

Dagdag pa ni Gutierrez, nagreresulta na umano ang ibang mga nahi-jack na kalsada ng stagnant water at bumabara na rin ang ibang drainage kung kaya’t ikinakabahala naman ng mga ito ang dengue sa lugar.