Dagupan City – Binigyang diin ng Teacher’s Dignity Coaliton na hindi wika ang problema sa pagkamit ng Dekalidad na Edukasyon sa bansa.

Ayon kay Benjo Basas, Chairperson ng Teacher’s Dignity Coalition, inasahan na nila ang pagtanggal ng mother tongue sa pagtuturo sa Kinder-grade 3.

Kung saan ay ito ang malinaw na gagawing solusyon ng kongreso matapos ang pagkakaroon ng kabiguang maging matagumpay k-12 Program.

--Ads--

Matatandaan kasi na ang Based Multilingual Education (MTB-MLE) ay nakamandatong ipatupad sa mga mag-aaral na nasa baitang 1 hanggang 3.

Ito’y matapos lumabas sa pag-aaral na mas natututo ang bata kapag ang ginagamit sa pagtuturo sa mga ito ay ang wikang kaniyang nakasanayan.

Ngunit sa kabila nito, nanindigan naman si Basas na mas maganda sana kung inanalisa muna ng kongreso kung saan nagkaroon ng pagkukulang at saan nagkaroon ng pagkakamali o kapabayaan ang pamahalaan.

Pinabulaanan naman ni Basas ang kuro-kuro na mas nakakaangat ang bata kapag ito ay nakakapagsalita ng ingles kung ikukumpara sa wikang nakagisnan, dahil hindi ito aniya ang basehan, at kung titignan ang datos sa buong Asia ay bilang lamang ang gumagamit ng wikang ingles ngunit mataas pa rin ang kanilang kalidad ng edukasyon.

Muli naman nitong ipinaliwanag na napakasimple lamang umano ng problema sa bansa gaya na lamang ng kakulangan sa paaralan, kakulangan sa mga guro na siyang dahilan para magkaroon ang mga ito ng karagdagang loads.