Dagupan City – Naging matagumpay ang isa sa mga pangunahing programa sa agrikultura ng lalawigan ng Pangasinan, ang Corporate Farming na ginanap sa bayan ng Pozorrubio.

Isinagawa dito ang Rice Production Field Day, Mass Graduation and Farm Mechanization Techno-Demo Cum Presentation of Results sa Barangay Manaol sa nasabing bayan.

Dinaluhan ito ng mga kinatawan sa ilang Farmers Association mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan gayundin ang mga opisyal ng gobyerno upang suportahan ang mga magsasaka.

--Ads--

Layunin ng programa na hikayatin ang mga magsasaka na magkaisa sa paggamit ng mga agricultural inputs at sa pagbebenta ng kanilang mga produkto.

Makakatulong ito sa pagbaba ng gastusin ng bawat magsasaka at sa pagbawas ng epekto ng bargaining power ng mga mamimili ng produkto.

Ang Municipal Agriculture Office at ang East to West Farmers Association ang nagsilbing punong abala sa aktibidad.

Nagbigay ng pagkakataon ang programa sa mga magsasaka na makasubok ng mga hybrid rice varieties at mga makabagong makinarya na naaangkop sa bayan ng Pozorrubio. (Oliver Dacumos)