Nahuli ang isang makamandag na cobra na namamahay sa imbakan ng mga sirang mga kagamitan sa Caranglaan Elementary School, dito sa siyudad ng Dagupan.

Ayon kay Germaine Kaye Escaño, lady tanod ng Caranglaan sa nasabing lungsod, mga 10 araw na ang nakalilipas simula noong mamataan ang ahas.

Sinubukan pa umano tumawag ni Escaño ng mga snake hunter ngunit walang dumarating.

--Ads--

Hanggang sa makita niya ang facebook page ni Mary Rose “princess tuklaw” Garcia isang content creator mula sa Tarlac ang tungkol sa pangha-hunting ng mga ahas.

Sa tulong ni Princess Tuklaw ay matiyagang hinalughog nito kasama ang kanyang ama ang naturang bodega.

Nagtulong tulong ang mga tauhan mula City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO na ilabas ang mga upuan na nakaimbak sa loob ng bodega. Sinubukan ding halughugin ng Vlogger ang mga lugar na posibleng puntahan ng ahas.

Matapos ang 30 minutong paghahanap ay nakita na ang ahas sa ilalim ng mga naka-imbak na kagamitan sa bodega .

Nagpupumiglas pa ito noong mahuli ng vlogger pero kalaunan ay matagumpay na nailagay sa sako ang ahas.

Ang nahuli ay isang Naja philippinensis o karaniwang tawagin bilang Philippine cobra na may habang isang metro. ayon kay princess tuklaw madalas lang itong makita sa may parteng Norte at isa ito sa pinakamakamandag na uri ng cobra sa pilipinas.

Dagdag pa niya na meron siyang nakikitang bakas pa ng mga ibang species ng ahas ngunit nilinaw nito na non-venomous na ang mga ito base sa bakas ng mga ahas.

Agad naming ipinasakamay sa DENR ang nasabing ahas.