Dagupan City – Ipinaliwanag ng Legal/Political Consultant ang usapin sa pagbasura ng Sandigangbayan sa Ill-gotten wealth case ng Marcoses.
Ayon kay Atty. Francis Dominic Abril, ito’y matapos na nagkaroon ng napakaraming mosyon sa kaso na mistulang walang sapat na ebidensya at nagdudulot ito ng labis na pagkakaantala.
Kung babasahin din kasi aniya ang nasabing desisyon ay maganda ang nilalaman nito. Kung sa usaping kasaysayan lang naman kasi aniya ang tatalakayin, hindi na mabubura ang usaping may nakamkam na ari-arian ang pamilyang Marcos sa bansa.
Sa katunayan aniya, narecover na ng Korte Suprema ang $100Milyon sa kanila.
Hinggil naman sa kuro-kuro na dahil administrasyong Marcos na ang nakaupo kaya lahat ng desisyon ay naaayon sa kanila, sinabi ni Abril na isa sa nakikitang dahilan sa pagbasura ng kaso ay ang nangyaring mga postponements, at dahil sa tagal na ring usapin, hindi na maaalis ang posibilidad na may mga nawala na ring records nito.
Matatandaan na naghain ng kaso ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) noong Hulyo 21, 1987 upang isuko ng Marcos ang kanilang ari-arian na nagkakahalagang P276 million, P50-billion award sa moral damages, at P1-billion sa exemplary damages.