DAGUPAN CITY- Nagiging pabango lamang para sa mga kasamahang politiko ang pagtakbo ng mga Social media influencers o content creators.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Danilo Arao, Convenor ng Kontra Daya, kabilang pa rin sa karapatan ng mga social media content creator o influencers ang tumakbo sa halalan subalit, maaaring karagdagan lamang sila sa celebritification ng politika.

Aniya, maaaring sila ang magdala ng pagbabago sa political system sa bansa ngunit tila nagiging distraction lamang sila sa tunay na kahalagahan ng halalan at nawawala pa ang mas progresibong kaisipan sa pagboto.

--Ads--

Karamihan pa sa mga ito, batay umano sa mga nakaraan halalan, ay dumidikit sa tinatawag na “trapo politics” dahil sa tingin nila ay ito ang makakatulong sakanila.

Subalit, sa bandang huli ay ginagamit lamang sila pagpapabango ng mga malalaking politiko.

Gayunpaman, nakita na rin sa mga nakaraang halalan na hindi naging matagumpay ang mga ito sa halalan dahil walang kasiguraduhan na lahat ng mga tumatangkilik sa kanilang plataporma ay iboboto sila.

Sinabi pa ni Prof. Arao na malabo rin ang sinasabi nilang hindi sila gagastos sa kanilang pagtakbo dahil ang kalakaran sa halalan ay tinutukoy ng usapin sa money politics.

Samantala, binanggit din niya na kinakailangan ng mga influencers o content creatos na maging malinaw ang kanilang intensyon at karakter sa mga tao dahil ito ang pagbabasehan ng mga botante sa kanilang desisyon sa pagboto.