DAGUPAN CITY- Higit na mas tumindi pa ang gyera sa pagitan ng Lebanon at Israel kumpara sa mga nakaraang naranasan sa dalawang bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Myra Aragon, Bombo International News Correspondent sa naturang bansa, hindi man matanaw ng mga tao sa safe zone ang pambobomba sa West at South Lebanon, dama naman nila ang malakas na pagyanig nito.
Inaabisuhan na lamang sila na lumayo mula sa mga pagsabog upang hindi pa madamay.
Aniya, marami nang mga non-Filipino migrants ang lumikas subalit hindi naman makapasok sa mga government shelters dahil tanging mga Lebanese lamang ang tinatanggap.
Kaya bilang adbokasiya ng kanilang charity organization na tumulong sa kahit sinong migrante ay namahagi sila ng mga pagkain dahil karamihan sa mga ito ay sa kalsada na naninirahan.
Sinabi naman ni Aragon na walang mga Pilipino ang naninirahan sa kalsada dahil inaalagaan naman sila ng embahada ng bansa sa Lebanon.
Patuloy pa din ang pag aabiso ng embahada sa mga Overseas Filipino Workers ang pagtitiyak ng kaligtasan, partikular na sa pagpapa-repatriate.
Para naman kay Aragon, wala pa rin sa plano ang pag-uwi sa bansa kahit pa man kinukulit na siya ng kaniyang pamilya.
Wala rin kase aniyang siguradong trabaho sa Pilipinas kaya mas mabuting manatili pa sa Lebanon.
May naririnig din sila na hindi pa natatanggap ng mga narepatriate ang tulong pinansyal mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW).