Dagupan City – Binigyang diin ng Magsasaka Partylist ang kahalagahan ng pagkakaisa sa kanilang sektor upang marinig ang kanilang pangangailangan sa pamahalaan.
Ayon kay Gov. Argel Cabatbat, Chairman ng Magsasaka Partylist, matapos ang kanilang diskusyon sa pamahalaan na pro-agriculture alliance kasama ang Department of Agriculture (DA), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at National Irrigation Administration (NIA), mas nabigyang linaw ang mga ito kung gaano kahalaga ang pagkakaisa ng sektor upang marinig ang kanilang pangangailangan.
Aniya, sa nasabing diskusyon, ipinaliwanag ng mga iba’t ibang sektor sa bansa gaya na lamang ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), Federation of Free Farmers (FFF), at iba pa, ang mga lubos na pangangailangan ng mga magsasaka sa Pilipinas.
Dito natalakay ang Executive Order No. 62, na siyang pangunahing hinaing ng mga grupo.
Ani Cabatbat, ang EO.62 ay hindi solusyon sa pagpapababa ng presyo ng bigas sa bansa. Kung saan ang taripa at ang pag-iimport umano na siyang nakikitang pangunahing susi ng pamahalaan na tugon sa hinaing ng mamayan na mataas na presyo ng bigas sa merkado.
Samantala, pinuri naman nito ang mga programa ng pamahalaan gaya na lamang ng inilunsad ng pangulo na Agri-puhunan at ang departamento ng NIA sa ilalim ng aktibidad na Contract farming na parehong may layuning magbigay ng pangangailangan sa pagsasaka.
Aniya, sa kabila kasi ng pagtutol ng mga ito sa mga panukalang alam nilang nakasasama sa kanilang sektor, sinabi ni Cabatbat na nakikita nila ang pagdinig at pagkilos sa hakbangin ng pamahalaan sa kanila.
Muli naman nitong nilinaw na hindi sila naninira ng anumang administrasyon kundi sinusuportahan lamang nila ang mga programang nmalinaw na nakatutugon at tumututok sa pangangailangan ng sektor ng pagsasaka sa bansa.