Dagupan City – Pinagbabaril ang 42-anyos na lalaki matapos maningil ng utang sa bayan ng Villasis.
Ayon kay Pmaj. Edgar Allan Serquiña, Chief of Police ng Villasis PNP, nakatanggap umano sila ng tawag mula sa mismong kapitan ng Brgy. Barangobong sa nasabing bayan.
Kung saan dito na inireport ang pangyayari sa kanilang lugar partikular na sa bahaging bukid, malayo umano sa mga kabahayan.
Ayon sa inisyal na imbistigasyon, nagtungo umano ang biktimang kinilalang si Alfi Ubaldo Gallardo para singilin sana ang utang na nagkakahalaga ng P20,000 ng magsasakang si Rogelio De Dios Celis, 38-anyos na parehong residente sa nasabing bayan.
Lumabas naman ang suspek at sinabing antayin ito ng biktima sa labas dahil may kukuhanin lang umano sa loob, ngunit nagulantang na lamang si Gallardo nang makita si Celis na may dala-dala ng baril.
Agad namang nakatakbo ang biktima at nagtago sa gitnang bahagi ng bukid, nakapagpaputok pa ang suspek ng 2 beses at dito na tinaaman ang biktima sa kaniyang hita.
Napag-alaman naman na nagkaroon pa ang dalawa ng mainit na palitan ng diskusyon bago pa mangyari ang insidente.
Nadala pa naman ang biktima sa pinakamalapit na pagamutan at sa kabutihang palad ay hindi ito nagtamo ng malalim na pinsala.
Sa kasalukuyan pinaghahanap pa ang suspek para sa karampatang parusa.
Samantala, hinggil naman sa filing ng Certificate of Candidacy sa bayan, sinabi nito na nanatiling payapa ang kanilang bayan at nanawagan ito sa mga residente na suportahan ang mga ipinapatupad ng kanilang hanay para sa pagpapanatili ng kaayusan ng kanilang bayan.