Nagkaisa ang ilang 4Ps youth learners sa isinagawa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa bayan ng Tayug na Youth Development Session at Youth Group Formation sa Panganiban National High School kamakailan.
Dumalo sa kaganapan ang ilang learning service providers, facilitators, at LGU tayug upang bumuo ng isang bagong henerasyon na handang harapin ang kinabukasan.
Sa pagbubukas ng programa, binigyang-diin ni Mayor Tyrone Agabas ang kahalagahan ng tamang gabay, oportunidad, at komunidad sa pag-abot ng tagumpay.
Hindi lang ang mga opisyal ang nagbigay ng suporta sapagkat aktibong nakiisa rin ang ilang konsehal sa bayan at SK Federation President.
Pinasigla ng mga Sangguniang Bayan members ang programa sa pamamagitan ng isang laro na nagdulot ng kasiyahan sa lahat.
Hindi lamang isang programa ang Youth Development Session at Youth Group Formation, kundi isang plataporma para sa pagbabago.
Sa pamamagitan nito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kabataan na bumuo ng kanilang tiwala sa sarili, matuto ng mga bagong kasanayan, at magkaroon ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa iba pang kabataan.
Nagpapakita ito ng pangako ng MSWDO at ng lokal na pamahalaan na suportahan ang kabataan sa kanilang pag-unlad. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kagamitan at oportunidad, inaasahan na magiging aktibong bahagi ng komunidad ang mga 4Ps youth learners at magiging mga lider sa hinaharap.