DAGUPAN CITY – Umabot na sa higit 2,000 ang naitatalang kaso ng mga apektadong baboy ng African Swine Fever sa Rehiyon Uno.
Ayon kay Dr. Alfiero Banaag, Chief Regulatory Division ng Department of Agriculture Region 1 na ito ay nagmula sa lalawigan ng La Union at Ilocos Sur.
Kung saan 8 lugar ang apektado sa La Union kabilang dito ang Luna na may 893 cases, 60 cases sa Bangar, 59 sa San Fernando, 27 sa Bacnotan, 50 sa San Juan, 69 sa Santol at 6 naman sa Rosario.
Habang nasa 6 naman na lugar ang apekatado sa Ilocos Sur na kinabibilangan ng Tagudin na may 64 na kaso, Candon city 271, Galimuyod 91, Lidlidda 4, San ildefonso 9, at Bantay 54.
Ani Banaag na nakadepende sa mga lugar na apektado kung magdedeklara sila ng state of calamity gayong nakadepende din ito sa bilang ng mga apektadong baboy.
Samantala, ibinahagi din nito na ang mga naapektuhan noong buwan ng Pebrero ay nabayaran na kung saan P535,000 ang naibigay sa bayan ng rosario.
Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan na kung paano ang approach per region kaugnay sa kung ilan ang maaari nilang maibigay na bakuna.
Paalala naman nito sa mga nag-aalaga ng baboy na kapag may nakitang sintomas ng nasabing sakit ay mainam na maireport agad ito upang agad ding magawan ng aksiyon.