Dagupan City – Matagumpay na inilunsad ngayong araw ang BASIL o Balik Sigla sa Ilog at Lawa Program ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources dito sa Barangay Mamalingling sa lungsod ng Dagupan.

Pinangunahan ito ni Dagupan City Mayor Belen Fernandez, katuwang ang City Agriculture Office, Barangay Officials at ilang miyembro ng Samahan ng Maliliit na Mangingisda sa Dagupan City (SMALLMANDACI).

Ipinaabot naman ni Punong Barangay Calvin Cayabyab ang kaniyang pasasalamat dahil napili ang kanilang barangay upang pandagdagsa kita ng mga residente partikular na ang mga nagsisigay.

--Ads--

Kung saan inumpisahan na kaninang umaga ang pagpapakalat ng nasa 15,000 (baby igat or palos) sa parte ng Bayaoas River sa Sitio Watak na nagmula sa DA-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region 1.

Aabot umano sa ilang buwan o isang taon bago iharvest ang mga igat at ito ay competitive sa presyuhan nito na nasa P300 to P600 kada kilo.

Ayon naman sa City Agriculture Office na ang mga igat na inilagay sa nasabing bahagi ay mga high-value eels na may scientific name na angguila marmorata o tinatawag ding glass eel kung saan habang baby pa lamang ito ay very clear na ang katawan ngunit paglaki ay nagiging brown.

Layunin naman ng aktibidad na muling punuin ng mga isda ang ilog upang suportahan ang konserbasyon ng biodiversity, ibalik at pangalagaan ang mga ekosistema sa tubig, mapahusay ang pangingisda, at matiyak ang sapat na pagkain at mga oportunidad sa kabuhayan para sa mga lokal na mangingisda sa lungsod.

Samantala, nagsilbing pilot barangay sa programang ito ang Barangay Mamalingling at inaasahan pa na may mga ibibigay na mga klase ng isda upang malagyan muli ang nasabing kailugan kung saan ang pangunahing mga benepisyaryo dito ay ilang residente sa lugar at miyembro ng samahan ng mga mangingisda.