DAGUPAN CITY – Bumangga sa nakaparadang tricycle ang isang van matapos nitong subukang iwasan ang isang lalaking tumatawid sa kalsada.
Kung saan nangyari ang insidente sa provincial highway ng Brgy. Bued, sa bayan ng Calasiao, lalawigan ng Pangasinan.
Kinilala ang pedestrian na si Reynard Gajes, 31 anyos, at residente sa pinangyarihan ng insidente.
Habang ang van naman ay minamaneho ni Ramon Caballero, 64 taong gulang na residente rin ng nasabiong barangay.
Lulan ng van ang mga batang edad 16, 15, 10, at 8 taong gulang na mga residente ng Brgy. Gabon, sa nasabing bayan.
At pagmamay-ari naman ni Pelagio Nono, 67 taong gulang ang tricycle na nabangga ni Caballero.
Lumalabas sa imbestigasyon na habang binabaybay ng van ang kalsada mula silangan pakanluran ay tumawid si Gajes, at sinubakan itong iwasan ni Caballero ngunit sumalpok naman ito sa nakaparadang tricycle.
Nagtamo naman ng injury at galos si Gajes na agad namang nirespondehan ng Municipal Risk Reduction Management personnel at itinakbo sa Region 1 Medical Center sa syudad ng Dagupan, ganun din ang driver at mga sakay nito upang masiguro ang kanilang kalagayan kahit hindi nagtamo ng sugat ang mga bata.
Wasak ang bandang harapan ng van na dinala naman sa Calasiao Municipal Police Station para sa tamang disposisyon.
Sa kasalukuyan ay inaalam pa ang halaga ng danyos ng tricycle at mga kabahayang nadamay sa insidente.