Dagupan City – Nakatakdang umpisahan na ang pagsasaayos ng drainage system at elevation of road sa harapan ng YMCA Building sa Barangay Tapuac sa lungsod ng Dagupan.
Ayon kay Dagupan City Mayor Belen Fernandez, naantala lamang ito dahil sa mga nararanasang high tide sa lunsgod.
Aniya, nasa 2 dekada na umanong iniinda ng mga residente at motorista sa lugar ang tubig na naiipon sa nasabing lugar at ilang parte ng Perez blvd. kapag umuulan o high tide kung kaya’t laking pasasalamat nito dahil naisakatuparan na ang nasabing proyekto.
Ang pagpapataas ng kalsada ay nasa tinatayang 1.6meters, habang mas mababa naman ang pagsasaayos sa YMCA Building kung ikukumpara sa ilang bahagi ng Perez Blvd.
Hinggil naman sa rerouting, inaasahan umano na magiging one-way ang kalsada sa nasabing parte kapag maumpisahan na ang konstruksyon.
Tiniyak din ng alkalde na nakausap na rin nito ang mga business owners sa lugar at mga kabahayan hinggil sa nasabing proyekto.
Binigyan diin naman ng alkalde na magpopondo ito sa parte ng PNR Site sa barangay Mayombo ng Budget para sa 2025 upang mapataas na rin ang kanilang kalsada at maisaayos ang problema sa drainage system.
Naniniwala naman ang alkalde na ang budget na nakalaan ay inaasahang madaragdagan pa sa ilalim ng Department of Public Works and Highways Region 1.