DAGUPAN CITY- Tinatayang nasa 3-Million packs na ang pumasok na bigas sa bansa ngayon taon mula sa importasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, sinisisi umano ng Department of Agriculture (DA) ang port congestion sa mabagal na paglabas ng mga imported na bigas mula sa pier kaya naman tumataas din ang presyo ng bigas sa bansa.

Aniya, inaasahan pa din ang karagdagang pagpasok ng mga ito sa natitirang mga buwan dahil wala naman humahadlang sa mga ito basta’t pasok sa mga requirements at nakakapagbayad ng 15% tarrif.

--Ads--

Hindi lamang mailabas agad ang mga ito at nagmisistulang bodega ang mga pier dahil sa maaaring hindi pa nakakapagbayad ng buwis.

Pinabulaanan naman ni Montemayor ang pahayag na pinapataas muna ng mga consignee ang presyo ng bigas bago ito ilabas dahil wala pa ito sa 4% mula sa kabuoang inangkat ngayon taon sa 15% tarrif rate.

Sinabi din ni Motemayor na maaaring mapababa nito ang presyo ng mga bigas subalit mapapababa din nito lalo ang presyo ng palay ng mga magsasaka lalo na’t nalalapit na ang anihan.

Gayunpaman, walang kasiguraduhan ang sinasabi ng Department of Agriculture (DA) at National Economic and Development Authority (NEDA) ang pagbaba ng presyo ng bigas sa Enero dulot ng tarrif rate. Matagal na rin aniya itong sinasabi ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa maramdaman.

Ani Montemayor, kinakailangang bigyan ng limitasyon ang pananatili nito upang hindi na maipon pa at mailabas agad.

At makakatulong naman para sa mga magsasaka kung mabibigyan sila ng pamahalaan ng mechanical dryer facility.

Maliban diyan, dapat din pag-ibayuhin ng NFA ang pagbili ng palay sa mga magsasaka.