DAGUPAN CITY- Nasa ligtas na kalagayan na ang dalawang mangingisda sa bayan ng Bolinao na napaulat na ilang araw nang nawawala matapos matagpuan sa bahagi ng karagatan sa Ilocos Sur.
Ayon kay Cost Guard Lieutenant Junior Grade John Louis Sibayan, Station Commander ng Coast Guard Pangasinan, kinilala ang mga ito na sina Rocky Bravo, 28 anyos at Rolando Bravo, 24 anyos, at parehong residente sa Brgy. Balingasay sa parehong bayan . Sakay sila ng bangka na may palatandaan na pangalan na Trixie Joy.
Pumalaot ang dalawang mangingisda noong alas-5 ng madaling araw ng Setyembre 20 at inasahan na makakabalik din kinagabihan. Ngunit hindi naman sila nakabalik dahil sa sama ng panahon.
Agad naman nagsagawa ng imbestigasyon at rescue operation ang mga otoridad upang hanapin ang mga ito, gayundin sa pakikipag ugnayan sa malapit na coastal areas.
Sa araw na Setyembre 23, nang makatanggap ng mensahe ang Local Disaster Risk Reduction Management Office ng bayan ng Bolinao mula sa LDRRMO ng Begy. Ambucao Santiago, Ilocos Sur. Ayon sa mga ahensya, natagpuan ang mga mangingisda saw naturang lugar.
Agad naman umanong binigyan ng agarang atensyon medikal ang dalawa sa Santiago, Ilocos Sur at binigyan din sila tulong mula sa lokal na pamahalaan ng lugar.