DAGUPAN CITY – Isang mahalagang dokumento ang pagkakaroon ng birth certificate sapagkat ito ay nagpapatunay ng legal na pagkakakilanlan ng isang tao.
Ito ay naglalaman ng tunay na pangalan, araw ng kapanganakan, pangalan ng mga magulang at iba pang importanteng impormasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joey Tamayo, Resource Person Duralex Sedlex sinabi nito na kung mayroon mang dalawang birth certificate ang isang tao ay mahalaga na ipasawalang bisa ang isa sa mga ito.
Ito ay matapos isangguni ng isa sa mga tagapakinig ng nasabing programa ang pagkakaroon ng dalawang birth certificate ng kaniyang anak dahil unang naparehistro ito ng kaniyang mga magulang dahil plano itong dalhin sa ibang bansa.
Subalit nang hindi na natuloy na makapag-abroad ang kaniyang nanay at tatay ay napagpasiyahan nito na irehistro muli ang kaniyang anak kahit na late registration na ito sa kaniyang pangalan bilang tunay na ina.
Pagbabahagi naman ni Atty. Tamayo na maaayos lamang ito sa pamamagitan ng pagfile ng petisyon sa hukuman at kanselahin ang hindi makatotohanang birth certificate.
Bagama’t ito ay isang mahaba at magastos na proseso, ito naman ay mahalagang paraan upang maayos ang dokumento ng pagkakakilanlan ng isang tao.
Paalala naman nito sa publiko na dapat ay makatotohan lamang ang ilagay sa birth certificate at huwag magsisinungaling sa paglalagay ng mga detalye upang maiwasan ang anumang problema gaya na lamang nito.