Isang pusa sa California na kinilalang si Rayne Beau o rainbow kung basahin ang 2 buwan na nawala at sa pamamagitan ng tulong mula sa isang microchip company, napag-alaman nila ang naging adventure ng pusa.
Ayon sa mga furparents niya na sina Benny at Susanne Anguiano, nawala si Rayne Beau nang pumunta sila sa Yellowstone National Park noong Hunyo kung saan kasama nila ang dalawa nilang alagang pusa.
Nang makarating sila sa Fishing Bridge RV Park ng naturang lugar ay tila’y nagulat Si Rayne Beau at tumakbo ito sa malapit na mga puno. Marahil umano ay ito ang unang beses ng kanilang mga pusa na makapunta sa nasabing lugar.
Ginawa na nila ang lahat ng makakaya nila na hanapin ito sa loob ng 4 na araw subalit kinailangan din nilang bumalik sa kanilang bahay. Nabigo man sila ngunit hindi nawalan ng pag-asa si Susanne na mahanap ang kanilang nawawalang pusa.
Makalipas ang ilang buwan, nakatanggap sila ng balita mula sa isang microchip company at napag-alaman nila kung nasaan na si Rayne Beau.
Ayon sa kumpanya, ito ay nasa Society for the Prevention of Cruelty to Animals o SPCA sa Roseville, California. May layo itong 900 miles o 1,448 km mula sa Yellowstone, kung saan nawala ang kanilang pusa.
Nakita umano ng isang babae ang pusa sa pagala-gala sa northen California. Pinakain niya ito at pinainom ng tubig at kaniyang dinala ito sa SPCA.
Agad din pinuntahan nila Susanne at Benny si Rayne Beau na kapansin-pansin na pumayat ito.
Hindi man nila malaman kung paano ito nakarating sa Roseville ngunit naniniwala silang sinubukan lamang nito na bumalik sa kanilang bahay.
Samantala, maliban sa microchipping, sinabi ni Benny na nilagyan na din nila ng air tags ang kanilang mga pusa at mayroon namang GPS global tracker si Rayne Beau.