DAGUPAN CITY- Tamang aksyon para sa mga mangingisda na labis naaapektuhan ng tensyon sa West Philippine Sea ang hiling ni Roberto Ballon, chairperson ng Katipunan ng Kilusan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakaniya, nagiging limitado na lamang ang kanilang nahuhuli sa pagpalaot dahil hindi na nila magawang makapunta sa malayong bahagi ng karagatan kung nasa saan ang China Coast Guard.

Kung ikukumpara pa noon na nagsimula ang pag angkin ng China, mas matindi aniya ang sitwasyon ngayon dahil sa lumalaban na din ang Pilipinas.

--Ads--

Tumigil na rin ang karamihan sa kanilang mga miyembro sa pangingisda dahil nauuwi na lamang sa pagkalugi ang paghahanapbuhay dulot ng tensyon at tumataas na gastusin. Subalit, nahihirapan din naman silang maghanap ng ibang trabaho dahil aniya, maliban sa ito lamang ang kanilang alam gawin ay karamihan sa kanila ay hindi din nakapagtapos ng pag-aaral.

Ani Ballon, maganda din naman ang tulong suporta ng gobyerno para sa kanilang sektor subalit isa lamang itong “bond aid solution” at ang tunay nilang kailangan ay ang malayang pangingisda.

Gusto rin nilang mapatupad ang Agricultural Modernization Act at ang pagkawala ng mga illegal fishing, gayundin sa naaapektuhang kabuhayan nila dahil sa eco-tourism.

At kung magkakaroon ng sapat na pondo ay pagtuonan din ang programa para sa pabahay ng mga mangingisda at pagreresolba ng polusyon sa karagatan.

Ipinapanwagan din ni Ballon na maging departamento ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para mapagtuonan ng pansin ang mga programang pangisdaan.