Dagupan City – Mariing pinabulaanan ni Pangasinan Governor Ramon ‘Monmon’ Guico III ang ulat na nasa Binalonan ang helicopter ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping.
Inihayag ito ng Gobernador sa mga mamamahayag na dumalo sa unang taong selebrasyon sa Banaan Museum sa Lingayen, na wala sa bayan ng Binalonan ang helicopter na pinatutungkolan ang pagmamay ari ni Guo.
Matatandaan na tinukoy ni Senator Risa Hontiveros na ang “helicopter” ni Guo ay partikular nitong kinumpirma na nasa WCC Aeronautics School sa bayan ng Binalonan, Pangasinan.
Kung saan narinig ang nasabing pahayag ng senadora nang humarap si Sual, Pangasinan Mayor Liseldo “Dong” Calugay sa Senate Hearing nang tinanong ni Hontiveros kung alam ba ng alkalde kung nasaan ngayon ang helicopter ni Guo.
Kaugnay nito, lumalabas din kasi sa naunang imbestigasyon na inamin ni Guo na mayroon siyang nabili na helicopter noong 2018 subalit naibenta na niya umano ito sa isang British Company ngayong taon 2024.
Dito rin ipinakita ni Sen. Hontiveros ang larawan na nabalutan ng plastic ang isang R66 helicopter habang naka-garahe.
Sa ngayon patuloy parin ang isinasagawang imbistigasyon kay Guo hinggil sa illegal POGO operations sa Senado kaugnay sa kaniyang mga ari-arian kabilang na ang kaniyang helicopter.