Nagbabala ang Ban Toxics na hindi dapat nananatili sa barangay ang mga pundidong bombilya dahil may dulot na peligro.
Ayon kay Thony Dizon, Campaign and Advocacy Officer ng BAN Toxics, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, dapat may ordinansa na may special na pagkolekta sa mga ito at hindi dapat isinasama sa ibang mga basura.
Hindi rin dapat umano dinadala sa sanitary landfill ang mga ito kundi doon lamang sa mga accredited na pasilidad na may kapasidad na kolektahin ang mga ganitong hazardous na produkto at may kakayahang mag-capture o marekober ang mercury vapor mula sa mga bombilya kaya mahalagang planuhin ng mga lokal na pamahalaan kung saan puwedeng dalhin ang mga lamp waste.
Aniya, ang mercury vapor mula sa mga basag na bombilya ay maaaring makapinsala sa kalusugan ng tao na maaaring ikamatay.
Dagdag pa niya na ang mercury ay hindi lang nagdadala ng malubhang banta sa kalusugan ng tao maging sa kalikasan.
Nauna rito, nadeskubre ng BAN Toxics, isang toxic watchdog group, na may mercury leakage mula sa stockpile ng mga sirang fluorescent lamps sa isang barangay sa Quezon City.
Nabatid na natigil ang pagkolekta sa mga ito noong 2018 hanggang sa dumami.
Sa pagsusuri gamit ang XRF analyzer, natuklasan ang mercury leakage na umabot sa 130 parts per million na nagdadala ng kontaminasyon sa hangin sa loob ng imbakan.