DAGUPAN CITY – Pinarangalan ang mahigit 300 na estudyante ng Pangasinan State University, San Carlos City Campus bilang pagkilala sa kanilang husay ngayong taon na ginanap naman sa City Mall sa nasabing syudad.
Dinaluhan ito ni City Mayor na si Mayor, Julier “Ayoy” Resuello, bilang guest speaker ng “Agew na Dayew” o araw ng pagpaparangal at aniya ay labis itong nagagalak ng makita niya ang bilang ng mga estudyanteng naparangalan mula sa PSU San Carlos.
Kasunod nito ay ang pag hamon niya sa mga estudyante na kung sino man ang makapasok sa Top 10 ng mga board exam ay personal siyang magbibigay ng P50,000 cash at posible pa itong madoble.
Nabanggit din ng Alkalde ang mga scholarship na handog umano ng LGU at ibang agency bilang pagbibigay suporta sa mga estudyante ng nasabing syudad.
Ayon naman kay Dr. Liza L. Quimson, Campus Executive Director ng PSU San Carlos ay espesyal ang parangal na ito dahil ang nasabing aktibidad ay inisyatibo mismo ni PSU President Elbert M. Galas bilang pagkilala sa mga estudyante sa kanilang pagpupursige sa pag aaral.
Habang saad naman ni Dr. Rowena C. Villamil Dean, Student Services and Alumni Affairs of PSU SC branch na ang mga academic awardee ay ang mga kabilang sa Dean’s lister, Presidential scholar at mga nanalo sa patimpalak sa labas ng kanilang unibersidad.
Dagdag pa niya na malaking tulong ang award dahil isa ito sa qualification sa mga government examination.
Kung saan tinatayang nasa 343 na estudyante ang naparangalan at sila ay nakatanggap ng Certificate, Pin at medalya.
Sa kabilang banda, pagbabahagi naman ni Jupiter D. Paraan isang BS Business Administration student at kabilang sa dean’s lister awardee aniya bilang isang working student mahirap pagsabayin ang pagttrabaho at pag aaral pero naniniwala siyang kapag pinagtiyagaan ang isang bagay ay magagawa mo ito. Kaya naman laking pasasalamat niya matapos magbunga ang kanyang mga sakripisyo’t paghihirap.
Paalala naman nito sa kaniyang mga kapwa estudyante na ipagpatuloy lang ang pagsusumikap dahil ito ay madadala nila hindi lamang sa kanilang unibersidad kundi pati na rin sa paglabas nila ng paaralan kagaya na lamang kapag maghahanap na ng trabaho.