Dagupan City – Tiniyak ng Market Division sa lungsod ng Urdaneta na nabibigyan lahat ng ticket ang mga nagbabagsak ng kalakal sa pamilihan.
Ayon kay Andrew Eusebio S. Asuncion ang Chief ng nasabing opisina na lahat ng kalakal na inilalagay sa Bagsakan at Public Market ay kanilanh namomonitor lalo na ang pagbibigay ng ticket sa mga ito depende sa sasakyan at dala nila.
Aniya na kapag maliliit gaya ng tricycle ay nasa 30 pesos, sa Van at truck naman ay nasa 100 hanggang 150 pesos kung saan walang nakakalusot dito dahil na rin sa one-way traffic scheme kanilang ipinatupad dito na daanan.
Dagdag nito na ang kita ng Market Division sa buong isang taon ay hindi bababa ng 55 milyon pesos dahil sa dami ng mga negosyanteng nagpupunta dito na nagbabagsak ng mga ibat-ibang klase ng paninda at mga nagrerenta sa mga stalls na naghahatid ng kita nila.
Malaking bagay din aniya ang gampanin ng mga pamilihan sa lungsod dahil nandito na ang mga kakailanganin sa pang-araw-araw ng mga mamimili gaya ng gulay at iba pa.
Sa kabilang banda, pinapanatili naman nilang maayos ang mga stalls at iba pang pwesto sa pamilihan upang maging maayos ito lalo na kapag may tumutulo na bubong na agad natutugunan sa tulong ng engineering office.
Tinanggal na din nila umano ang mga illegal vendors dahil nilagay na sa tamang lugar para doon sila makapagtinda.
Samantala, sa seguridad naman ng mga mamimili at vendors ay may mga nagroroving na mga guard dito na palaging nagchecheck ng kalagayan dito para maiwasan ang nakawan sa lugar. (OLIVER DACUMOS)