Dagupan City – Lahat nagsakripisyo para sa Team Unity ng Calasiao.
Ito ang mga pahayag ng mga prominenteng political families at leaders na dumalo at nakiisa sa mithiin na pagkaisahin ang mga magkakalaban sa pulitika noon sa inaasam na Team Unity sa naturang bayan sa darating na 2025 Midterm Election sa bansa.
Tuluyan nang natuldukan ang mahigit 3 dekada o 33 taong mainit na pulitika sa matapos ang isinagawang pagsasama-sama sa Casa Grande Event Center, Sept 18, 2024, sa naturang bayan.
Pinangunahan ito ni Calasiao Liga ng mga Barangay President Patrick Caramat kasama si incumbent Mayor Kevin Roy Macanlalay at mga dating alkalde na sina Joseph Arman Bauzon, Roy Macanlalay, Felipe “Celso” De Vera Jr., dating Vice Mayor Mahadeva Das Mesina,
dating Liga President Carlito Dion, dating Provincial Accountant Arturo Soriano, Councilor PJ De Vera, Engr. Art Gaspar, dating Municipal Administrators Vivencio Vallo, Jerome Gabrillo, Rodolfo Untalan, at Mon Manipud.
Nasaksihan naman ito ng mga 24 na incumbent barangay kapitan ng Calasiao.
Ayon kay Caramat, naisakatuparan ang inaasam na ‘Unity’ ng dalawang partido, dahil sa isinagawang leader’s call kung saan ay napag-usapan dito ang paparating na eleksyon.
Nauna na ring binigyang diin ni Caramat na mas magiging maayos ang pamumuno sa kanilang nasasakupan kung ihiwalay muna ang pulitika para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Aniya, taong 2023 pa naman aniya nang magsimula nang pag-usapan ang unification process ng mga ito dahil sa pagkahati ng 2 partido sa Calasiao.
Binigyang diin naman ng Liga President na lahat ay nagsakripisyo para lamang maisakatuparan ang pagkakaisa ng team Unity.
Kaugnay nito, nanindigan naman si Caramat na layunin niyang suportahan ang nauna ng mga plano at legasiya ng kanyang ina na si dating Mayor Mamilyn “Maya” Agustin Caramat na anim na buwan lamang nanungkulan bago sumakabilang buhay.
Kung saan ay inilarawan niya ang nangyaring pagkakaisa ng dalawang partido bilang patriotic, dahil inalis ng mga ito ang parties’ pride, navigation at personal plans.
Samantala, inilarawan naman ni Calasiao Mayor Kevin Roy Macanlalay bilang historical, dahil hindi basta-basta ang nangyaring pagkakaisa ng dalawang partido.
Kung iisipin kasi aniya, mahigit 3 dekada na itong maingay sa kanila, ang pagkakaroon ng division dahil sa politika, ngunit dahil sa pamilyang Caramat ay nagkaisa ang lahat para sa bayan.