Naglabas na ng announcement ang Miss Universe Organization (MUO) tungkol sa pagpapatuloy ng Voice for Change challenge para sa Miss Universe 2024 pageant.

Sa social media post, inilabas ng Miss Universe Organization na nalalapit na ang pagpapalabas ng teaser ng mga kandidata hinggil sa kanilang campaign partikular na sa sektor ng lipunan na pinili nilang suportahan para sa Voice for Change. Agad naman itong umani ng samo’t saring reaksyon.

Makikita kasi sa larawan na ini-upload ng organisasyon na kasama sa larawan si Miss Universe 2023 Sheynnis Palacios ng Nicaragua at Miss Universe 2023 first runner-up Anntonia Porsild ng Thailand, ngunit hindi rito kasama si Miss Universe 2023 second runner-up Moraya Wilson ng Australia. Bagkus, ang nasa larawan ay ang pambato ng Pilipinas na si Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee, na umabot lamang hanggang sa Top 10.

--Ads--

Matatandaan na si Michelle ang isa sa mga nanalo sa Voice of Change award noong nakaraang Miss Universe 2023 kasama sina Miss Universe Angola Anna Coimbra at Miss Universe Puerto Rico.
Wala pa namang reaksiyon ang Miss Universe Organization sa backlash na kanilang inabot dahil sa poster.