Ibibigay na ngayong linggo ang premyo ni Miss Universe 2023 Top 10 finalist Michelle Dee para sa Voice for Change award na napanalunan nito, halos isang taon na ang nakalilipas.
Ang Voice for Change award ay bahagi ng Miss Universe competition kung saan magbabahagi ang mga kandidata ng kanilang krusada sa iba’t ibang sektor ng lipunan ng kanilang bansa.
Si Michelle ay pinili ang autism sector kung saan ipinangako niyang ibibigay ang premyo sa Autism Society Philippines.
Kung saan tatlong kandidata ang nagwagi sa Voice for Change award, kabilang na si Michelle, na inanunsiyo sa Miss Universe 2023 finals noong November 19, 2023, sa El Salvador.
Ang dalawa pang nanalo ay sina Miss Universe Angola Anna Coimbra at Miss Universe Puerto Rico Karla Acevedo.
Makatatanggap sila ng US$12,000 o katumbas ng PHP660,000 sa palitang PHP55 to $1.
Sa kanyang Instagram Broadcast Channel kamakailan ay ibinunyag ni Michelle na hindi pa niya natatanggap ang cash prize para sa Voice For Change award.
Malaking bagay raw sana ito para sa autism society na kanyang tinutulungan.
Kaya naman umaasa siyang maibigay na ito bago pa man magkaroon ng bagong edisyon ng Miss Universe.
Samantala, nito lamang September 17, 2024 ay nagbigay ng pahayag ang Miss Universe Philippines Organization tungkol sa naging hinaing ni Michelle.
At maigagawad na raw sa linggong ito sa autism sector na sinuportahan ng beauty queen ang award money.