Dagupan City – Binaha ang ilang kalsada at ilang mga kabahayan sa Dagupan City dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng bagyong Gener kasabay ng high tide na nararanasan sa buong lungsod.
Ilan sa mga kalsadang apektado ay ang Herrero Perez, ilang parte ng Perez Blvrd., Burgos St. at Burgos Extension.
Binaha rin ang ilang bahagi ng Brgy. Tapuac, Downtown Area, Rizal St. Gomez St. Zamora St. PNR site sa Mayombo at MH del Pilar, Mayombo Dist. malapit sa bus terminal ng lungsod.
Patuloy din ang pagbaba ng bilang ng mga mamimili sa palengke at sa ilang mga maliliit na pamilihan na nagresulta sa pagbaba ng benta ng mga tindera. Naging banta rin ang maaaring pagkasira ng mga tindang gulay at prutas sa palengke dahil sa pag-ulan at pagbaha na maaaring magdulot ng karagdagang gastos para sa mga tindera.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Godilla Padua, isang residente at business owner sa may Herrero Perez, Dagupan City, simula nang tumaas ang tubig noong Hulyo ay halos wala nang benta ang ginang. Inda pa niya, pumapasok ang tubig baha sa kanilang bahay tuwing sumasapit ang panahon ng bagyo at high tide. Binalik din umano ng ginang ang kanilang mga stock na paninda upang makaiwas sa pagkalugi. Humingi din ang ginang ng tulong ukol sa sitwasyon sa kanilang lugar dulot ng pagbaha.
Samantala, ayon sa tricycle driver na si Richard Galacha, bumaba ang kanilang kita dahil sa sitwasyon, samatalang nagdudulot din umano ang baha sa pagkasira ng mga makina ng kanilang pinapasadang sasakyan.
Sa ngayon, bukod sa pagbaha ay isa rin ang pagsasa-ayos ng ilang mga kalsada sa nagiging sanhi ng mabagal na daloy ng trapiko.
Nagdudulot naman ng panganib ang basa at madulas na daan para sa motorista na maaaring magresulta ng aksidente sa daan. (Luz Casipit)