Dagupan City – Nananawagan sa kinauukulan ang pamunuan ng Barangay Canaoalan sa bayan ng Binmaley ng agarang aksyon sa kanilang matagal nang problema sa baha.

Ayon kay Barangay Captain Tede Torrente, matagal na nila itong problema kung saan noong kagawad pa lamang siya ay ito na ang dinadaing ng mga residente sa lugar.

Gumawa naman na aniya sila ng resolution sa pagtatabon upang mabigyan sila ng kongkretong plano ngunit para umanong hindi nakikitaan ng pag-asa na magagawan ito ng paraan.

--Ads--

Halos nadadagdagan pa lalo kasi ang tubig aniya, dahil sa ginagawang konstruksyon ng Bypass Road sa kaliwang bahagi at pagtatabon ng lupa sa Barangay Carael na kalapit ng bayan at wala ng madaanan ng tubig.

Sa kabila nito, gumagawa na rin sila ng paraan para mabawasan ang tubig sa lugar, gaya ng pagsipsip gamit ang ilang equipment ngunit hindi parin ito pang matagalan dahil bumabalik parin ang tubig.

Nanawagan naman ito sa politiko na kung sino man ang makakatulong sa kanila ay makakaasa na ibibigay nito ang 100% suporta.

Sa kabilang banda, nilinaw naman ni Kagawad Brigida Daduya na hindi siya tumututol sa pagtatabon ng lupa sa harapan ng kanilang Chapel sa barangay dahil nais lamang nito na dumaan sa tamang proseso na kailangan ipaalam sa Kapitolyo.

Samantala, isa lamang ang harapan ng kanilang chapel ang nababaha dahil halos nasa kabuuang 1.56 km ang haba ng daanan sa kanilang barangay na ang karamihan dito ay nalulubog sa baha na nais nilang mabigyan ng solusyon kung saan halos nasa 83 milyon pesos ang magagastos dito.