DAGUPAN CITY- Buong pinaghahandaan ng bayan ng Calasiao ang maaaring maidulot ng Bagyong Gener sa kanilang bayan.
Ayon kay Kristine Joy Soriano, Local Disaster Risk Reduction Management Officer III ng Calasiao Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, nakaalerto ang kanilang opisina at nakahanda ang kanilang mga kagamitan sa oras na kakailanganin ito lalo na sa maaaring maidulot na pagbaha.
Mahigpit din nilang binabantayan ang lebel ng katubigan sa Marusay River na kung saan ay nasa 5.5ft above normal level ito.
Nabanggit din ni Soriano na may mga barangay sa kanilang bayan ang patuloy na nakararanas ng pagbaha dahil sa stagnant water na dulot pa din ng nagdaang Bagyong Enteng at habagat.
Patuloy naman ang kanilang pakikipagtulungan sa Barangay Disaster Risk Reduction Management sa kanilang bayan kaugnay sa pagsasagawa ng monitoring sa kani-kanilang nasasakupan.
Nagpaalala naman siya sa mga ito na manatiling alerto at nakahanda sa anumang oras.
Samantala, kanselado naman ang lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa buong lalawigan ng Pangasinan ngayon araw.