DAGUPAN CITY- Nakataas sa Red Alert Status ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office-Pangasinan bilang paghahanda sa sama ng panahon na idudulot ng Bagyong Gener sa lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vincent Chiu, Operation Supervisor ng naturang ahensya, nakaranas na ng pag-ulan sa ilang bahagi ng lalawigan ng Pangasinan at inaasahan ang paglakas nito lalo na’t nakataas na sa Signal no.1 ang kalagayan ng lalawigan.

Aniya, simula pa noong nakaraang linggo nang mag-abiso sila sa publiko partikular na sa mga residente ng mabababang lugar at mga mangingisda.

--Ads--

Kanilang binabantayan muli ang mga flashflood prone areas sa kanlurang bahagi ng Pangasinan.

Wala pa naman binabaha sa kasalukuyan subalit, inabisuhan na nila ang mga local government units na magpatupad ng pre-emptive evacuation kung kinakailangan.

Tuloy-tuloy din ang kanilang monitoring sa river system ng mga kailogan kung saan mayroon na silang nakikitaang bahagyang pagtaas ng lebel ng tubig.

Sinabi din ni Chiu na nakahanda na rin ang search and rescue team sa kanilang opisina at maging ang mga kapulisan at sundalo.

Maging ang kanilang mga kagamitan ay nakahanda na sa bayan ng San Fabian, Tayug, San Nicolas, Burgos, Bugallon, Sta. Barbara, at sa syudad ng Urdaneta.

Nagpaalala naman si Chiu na maging handa sa anumang oras at manatiling sumubaybay sa balita.