Hindi pa rin bumababa ang presyo ng local at imported na bigas sa merkado sa buong bansa, sa kabila ng pagbaba ng taripa ngayong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, wala pa ring pagbaba ng presyo ng bigas sa pangkalahatang merkado mapa-lokal man o imported na bigas, kung saan nakikita ng grupo na mananatiling nasa 50 pesos per kilo o pataas ang presyo ng bigas sa mga darating na buwan.

Ayon pa sa kaniya, oras na binabaan ng pamahalaan ang taripa o buwis sa imported na bigas, magtataas lang ang selling price nito dahil sa nakikitang pangangailangan sa nasabing produkto, kung saan isa ang Vietnam sa nagsusuplay ng mahigit kumulang 85 percent ng imported na bigas sa bansa.

--Ads--

Dagdag pa nito, hindi nakinabang ang mga consumer at nabawasan pa ang kinikitang buwis ng Bureau of Customs na sana ay magsisilbi bilang pondong pang-ayuda sa mga magsasaka dahil sa pagbaba ng taripa.

Nilinaw niya na ang pagbaba ng taripa at pagkaunti ng ani ng mga magsasaka dulot ng bagyo at pagbaha ay maaaring maging dahilan upang manatiling maging mataas ang presyo ng bigas sa mga palengke sa mga susunod na buwan.

Isa din ang mga smuggler na ilegal na nagpapasok ng mga bigas sa bansa ang mga nagiging sanhi nito.

Samantala, nagpahayag naman ng suporta ang kanilang grupo sa intensiyon ng pamahalaan na humihiling na bigyang pansin ang mungkahi ng grupo na maging puspusan ang implementasyon ng nasabing batas.