Hinikayat ni Senate President Francis Escudero ang bawa’t pinuno ng mga ahensya ng pamahalaan na sumailalim pa rin sa proseso ng pag-apruba ng budget para sa 2025.
Ito ay matapos na hindi sumipot si Vice President Sara Duterte sa budget hearing ng Office of the Vice President (OVP) sa Kamara na siyang dahilan kung bakit ipinagpaliban ang pagpapasa ng House Committee on Appropriations.
Ayon kay Escudero, marapat lamang umano na dumaan pa rin sa budget process ang lahat ng mga head ng bawat ahensya at hayaan ang Kongreso na gawin ang tungkulin nito batay sa mandato ng Konstitusyon.
Umaasa naman ito na mareresolba rin ang hindi pagkakasundo ng OVP at ng Kamara at mai-santabi muna ang hindi pagkakaunawaan, dahil kinakailangang sumunod sa proseso at mapagdesisyunan na ito agad ng Kongreso.
Naniniwala naman si Escudero na kahit mukhang “nonchalant” ang bise, nakatitiyak siyang may pakialam din ito sa mga programa at proyekto na mismong siya ang nagsulong.